|
|
| Sam at Piolo, 'Kung hindi totoo ang tsismis, o kung totoo man wag na itong pansinin'![]() Column: That's Entertainment Sa Princess Sarah pala unang maisasabak si Sheryl Cruz. Akala ko kasi, ang Gumising Ka, Maruja ang first series niya sa kabila (ABS-CBN). Hindi yata natuloy dahil may isang miyembro ng pamilya ni Mars Ravelo ang nagkaproblema. Nainip yata si Sheryl sa paghihintay ng kanyang follow-up project sa GMA kaya, ayun, pumakabilang istasyon. Balita ko nga, maggi-guest lang ito pero nagtuluy-tuloy na pala. Matagal kasing inabot ang pagpaplano sa La Vendetta na kung saan ay kasali sana siya kaya nang makakita ng magandang oportunidad, hindi na ito nagpatumpik-tumpik. Success lang naman ni Sheryl ang hangad ko. Kung saan siya may mas magandang oportunidad, eh din dun siya. Tutal nagpaalam naman yata siya nang maayos sa pamunuan ng GMA na nagbigay sa kanya ng magandang pagbabalik at kung saan ay nakita ang pagiging epektibo niyang kontrabida. Ang tanging pangaral ko ay sana huwag na niyang sagutin yung mga tanong at bagay-bagay na muling magpapasariwa ng problema nilang magpipinsan. Tutal nakaraan na ito, ipagpatuloy na lamang niya ang pananahimik and in due time, alam ko magkakabati-bati silang muli. Tama ba, She? * * * Iniimbita ko nga pala kayong lahat sa second anniversary ng Walk of Fame Libis sa December 4, 5 n.h. Labing-limang (15) pangalan ng mga natatanging artista sa local entertainment scene ang mabibigyan ng estreyla sa Walk of Fame. Sila'y sina Kris Aquino, Vina Morales, Regine Velasquez, Gina Pareño, Piolo Pascual, Richard Gutierrez, Martin Nievera, Gary Valenciano, Kuh Ledesma, Mila del Sol, Rosario Moreno, Rudy Concepcion, Juancho Gutierrez, Snooky Serna at Celia Rodriguez. Personal kong inanyayahan ang mga nasabing artista at maging ang mga pamilya nila para maging makabuluhan ang gagawin naming pagpaparangal sa kanila. Sana naman makapunta sila. * * * Sana maging makabuluhan din ang gagawin n'yong paggunita sa taong ito sa inyong mga namatay. Bagaman at naging tradisyon na nating mga Pilipino ang pagpunta sa sementeryo tuwing Araw ng mga Patay, huwag natin kalilimutan na bigyan ang ating nga namatay ng dasal na siya nilang kailangan sa kabilang buhay. Bagaman at naging reunion ng mga pamilya ang pagkikita-kita sa sementeryo, gawin nating matahimik at hindi maingay ang ating pagkikita-kitang muli. Okay na yung kuwentuhan, kantahan pero sana wala nang inuman. Ilaan na lamang natin ito sa ibang okasyon. Magulo na ang panahon, huwag na nating dagdagan pa ang kaguluhan sa pamamagitan ng paglalasing. * * * Ang dami-daming tumatawag sa aking radio program, lahat interesadong malaman ang progress ng Piolo/Sam vs Lolit Solis issue. Hinihingi ang aking opinion sa magiging kahihinatnan ng kaso. Para sa akin, totoo man na nakita silang very sweet sa isa't isa, huwag na lang nating bigyan ng malisya. Dito kasi, iba ang pananaw natin sa mga lalaking sweet sa isa't isa, binibigyan agad natin ng kulay. Ganun din sa parehong babae. Sa mga celebrities, payo ko naman, huwag masyadong magpakita ng kakaibang sweetness sa harap ng publiko. Konserbatibo pa rin tayong bansa na ang public display of affection ay ipinagkukunot pa rin ng kilay ng marami. Lalo na sa may magkaparehong sex. Natatandaan ko nung araw, ang dami ring naintrigang aktor pero never nilang pinansin. Sa kalaunan, nakalimutan din ito ng tao at nakapamuhay ang mga natsismis ng normal. Ang aral - huwag nang maging lubhang reaksyonaryo, public figure ang mga artista, palaging subject for scrutiny, controversy and intrigue, kung hindi naman totoo ang tsismis, o kung totoo man, huwag na itong pansinin, dadaan lamang ito. Source: Pilipino Star Ngayon |