Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV ScheduleStatisticsPreferenceHelpMessage Board

Sarah Geronimo, puring-puri ng mga Canadian promoters

Gustung-gusto naming pinanonood ang bagong TVC ni Sarah Geronimo tungkol sa isang bahay-sanlaan. Marami na siyang iniendorsong produkto, pero kakaiba ang isang ito, dahil kasama niya sa commercial ang kanyang ina. Makahulugan para sa amin ang bago...

 

Sarah Geronimo, puring-puri ng mga Canadian promoters

Column: Showbiz Mismo
Author: Cristy Fermin

Gustung-gusto naming pinanonood ang bagong TVC ni Sarah Geronimo tungkol sa isang bahay-sanlaan. Marami na siyang iniendorsong produkto, pero kakaiba ang isang ito, dahil kasama niya sa commercial ang kanyang ina.

 Makahulugan para sa amin ang bagong patalastas ng isa sa pinakamagaling nating singers ngayon, kundi man siya na nga ang pinakamagaling, dahil isang patagilid na pagbabalik 'yon sa nakaraan.

  Hindi ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig si Sarah, aminado naman ang pamilya na kapos sila sa buhay noon, pero ang ginintuang boses ni Sarah ang nagpabago sa daloy ng kanilang simpleng buhay.

Sumikat si Sarah Geronimo, siya ang iniidolo ng mga kabataang nangangarap sumikat bilang singer, kapag meron ngang mga batang kalahok sa Wowowee ay inuunahan na ni Willie Revillame ang mga ito sa pagsagot kung sino ang iniidolo nilang singer.

"Si Sarah Geronimo, 'di ba?" agad na sasabihin ng TV host, dahil walang ibang isinasagot ang mga bata kundi ang kanyang pangalan, "Si Sarah Geronimo po. "

Sa ASAP '08 kapag kumakanta ang Champions ay siya ang pinakahuling lumalabas, kumbaga sa billing sa pelikula ay siya ang pinakabida sa grupo, merong "and" iyon.

At kapag si Sarah na ang nakapagitna sa entablado ay hindi ka na halos kukurap, napakaganda ng kanyang boses, kumbaga sa kutis ay flawless ang atake ni Sarah sa mga kantang ibinibigay sa kanya ng produksiyon.

Noong una ay kumakanta lang siya, pero ngayon ay nakikipaglaban na rin siya sa paghataw ng sayaw, do'n mo makikita na habang sumisikat siya ay hindi niya kinalilimutang mag-aral ng mga aspetong patuloy na maglalagay sa kanya bilang number one.

Simple, pero punumpuno ng talento, iyan ang kabuuang pananaw namin kay Sarah Geronimo.

* * *

Ilang ulit nang nakapag-show ang Champions sa Canada, pero yung solo show ni Sarah Geronimo sa Winnipeg kasama sina Mark Bautista, Kris Lawrence at Jimmy Marquez ang ikinuwento sa amin ni Rey-Ar Reyes ng Pilipino Express News Magazine.

Puring-puri ni Rey-Ar si Sarah, kapag kinuha mo raw ang serbisyo ng actress-singer ay wala ka nang hahanapin pa, "Grabe ang ganda ng boses ng batang iyon, kahit anong kanta ang gawin niya, papalakpakan mo talaga siya dahil magaling siya," papuri ng aming kaibigan sa dalaga.

Ginanap ang kanilang show sa Burton Cummings, dating Walker Theatre, doon din kami nag-show nina Vina Morales, Chokoleit at Vhong Navarro. Kumbaga dito sa atin ay Metropolitan Theatre ang Burton Cummings, lumang-luma na, at napakahigpit ng namamahala ng teatro dahil wala kang puwedeng galawin do'n.

Walang airconditioning unit ang lugar, mabuti na lang at malamig ang klima sa Winnipeg, maliliit ang kanilang dressing room at talagang ingat na ingat ang mga nag-aalaga sa teatro na pinakamatanda sa lahat ng venue ng mga ginagawang concerts doon.

Bago mag-show ang mga performers ay kailangan muna nilang mag-ikot sa kanilang mga major sponsors, parang imbitasyon na rin 'yon at pagpapatotoo na naroon sila, nadala na kasi ang mga kababayan natin sa mga promoters na mangangakong may show at darating ang mga artista pero wala naman pala.

May mga pangalan ng promoters kaming narinig na iniiwasan na ngayon ng mga managers ng mga artista at singers, matindi ang nangyari noon sa grupo ni Ai Ai delas Alas, nagkagulo sila sa bayaran dahil bigla na lang nawala ang kanilang promoter.

Nagkaroon pa ng isyu na kaya raw hindi natuloy ang show nina Ai Ai sa isang lugar ay dahil may kaberdehan ang kanyang parte, pero ang totoo ay hindi naman, nawalang bigla ang kanilang promoter kaya hindi nag-show ang grupo.

Dun naman namin maiaangat ang pangalan ni Maribel Aunor, sa pirmahan pa lang ng kontrata ay binabayaran na nito ang 50% downpayment, pagdating sa Canada ay binabayaran na rin agad nito ang kalahati pa, at sa NAIA pa lang ay bayad na ang mga performers sa kanilang per diem sa araw-araw nilang pamamalagi sa Canada.

At si Lala Aunor ang klase ng promoter na hindi umaasa sa ticket sales, hindi pa nagsisimula ang concert tour ay buo na ang talent fee ng kanyang mga performers, maihihiwalay namin siya sa mga promoters-producers na kapag wala pang ticket remittance ay hindi pa rin makapagbabayad ng kanilang mga singers.

Source: The Philippine Star