|
|
| Sarah nangarag sa dami ng trabaho![]() Column: Showbiz Mismo Paakyat na kami nung Linggo nang umaga sa 9501 para sa aming voice over sa The Buzz nang isang grupo ng mga tagahanga ang magkomento, "Sino naman ang sikat na singer na napakasuplada?" Nginitian lang namin ang grupo, naisip lang namin, pati sila ay nakikisali na rin sa pagba-blind item pero nilapitan kami ng dalawang batam-bata pang bading mula sa grupo. "Pakisulat mo naman, Tita Cristy, na ang supla-suplada ni Sarah Geronimo! Yung ibang mga champions nung dumaan sa harapan namin, kumaway at tumawa pa, pero siya, tuluy-tuloy lang. Walang pakialam sa mga fans na bumabati sa kanya!" sumbong ng dalawang bagets na bading. Baka naman kasi pagod lang si Sarah, o baka naman nagmamadali na, dahil malapit nang magsimula ang ASAP '08 at magpapa-make-up pa siya. Pero hindi pinakinggan ng grupo ang aming katwiran, ang aga-aga pa raw naman, talaga raw suplada si Sarah. "Ano ba namang kawayan man lang niya kami? Hindi naman namin siya dadambahin, titingnan lang naman namin siya!" patuloy na komento ng grupo. Nagtanung-tanong kami kung anong oras dumating sa studio si Sarah, nalaman namin na kararating lang pala niya mula sa ibang bansa nung Sabado nang gabi, kapos pa sa pahinga at tulog ang dalaga kaya nagmamadali na siya na paakyat sa studio ng ASAP pagbabang-pagbaba niya sa kanilang van. "Magre-rehearse pa kasi siya sa mga production numbers nila ng mga champions at meron pa siyang launch para sa bago niyang TVC, kaya talagang ngarag na ngarag siya nung dumating. "Pero hindi suplada si Sarah, kapag may bumabati sa kanya, ngumingiti siya. Sana naman, maintindihan din ng mga fans ang buhay ng mga artista, hindi naman sa lahat ng panahon e puwede silang maki-chika-chika dahil sa tight schedule nila," depensa kay Sarah ng isang kaibigan namin sa ASAP '08. May ibang singers at artista naman na kaya hindi nakagaganti sa kaway ng mga bumabati sa kanila ay dahil may nakasumpal ng iPod sa magkabila nilang tenga, ang iba'y nag-eensayo ng kanilang kanta mula sa study tape na nakasalang sa kanilang mini recorder, kaya kahit pa magsisigaw ang mga nadadaanan nila ay talagang wala silang maririnig. * * * Ayon kay Gabby Concepcion ay handa siyang makipag-usap at makipaglinawan kay Jobert Sucaldito anumang oras. Umuwi raw siya para magtrabaho at hindi para makipag-away kahit kanino. Kung anuman daw ang problema ay pinag-uusapan na lang sana nila at hindi na humantong pa sa korte, maganda raw naman ang pinagsamahan nila ni Jobert, kaya walang problemang hindi masosolusyunan. Mula iyon kay Gabby, pero ganoon din kaya ang posisyon ng kanyang manager na si Mommy Rose Flaminiano? Handa rin kayang makipag-usap nang maayos ang kanyang manager sa nagdemanda sa kanila? Wala si Mommy Rose nung Linggo nang hapon sa The Buzz, si Lizette lang na anak ng kanyang manager ang kasama ni Gabby, ayon kay Lizette ay masama raw ang pakiramdam ni Mommy Rose dahil kararating lang nila mula sa Davao. Kung kami ang hihingan ng opinyon ay ang pagkakasundo rin nila ang aming hangad, maliit lang ang mundong iniikutan nila, anumang pag-iiwasan ang kanilang gawin ay magsasalubong at magsasalubong pa rin sila. Pero mukhang mas lumalim pa ang sama ng loob ni Jobert ngayon kay Mommy Rose, natanggap kasi ni Jobert ang demand letter ng manager ni Gabby, masyadong nainsulto ang aming kasamahan sa kabuuang nilalaman ng naturang demand letter. Sa umpisa pa lang ay tinawag na itong "Mr. Jobert Sucal-dito o Sucal-doon" sa demand letter, sinabi rin sa kanya ng abogadong mister ni Mommy Rose na piso lang o isang platitong mani ang hihinging danyos perhuwisyo sa kanya, dahil wala naman itong perang maipambabayad kung sakaling matalo ito sa kaso. Haaay, naku! Source: The Philippine Star |