|
|
| Say ni Danita kay Daisy Romualdez: 'Siya ang sumisira sa akin'Column: Showbiz Mismo Nung nakaraang Biyernes nang hapon ay mag-isang nagsadya si Danita Paner sa ABS-CBN para personal na makipagkita sa staff ng The Buzz. Gusto raw niyang magbigay ng kanyang panig tungkol sa mga sinabi ni Tita Daisy Romualdez sa programa nung nakaraang linggo kaugnay sa isyu ng kanyang paglalayas. Eksakto naming inilalabas ngayon ang ilang bahagi ng panayam ng The Buzz kay Danita, mga rebelasyong sinagot naman agad ng kanyang ina, narito po. “Wala pong pumilit sa akin na pumunta at magpa-interview. Kusang-loob ko po itong ginawa para matigil na ang isyung ito. “Hindi ko na kaya ang lahat ng nangyayari sa loob ng bahay. Verbal abuse talaga! Impiyerno talaga, sobrang impiyerno! “Kasi, mahilig siyang manakot. Kapag hindi ko siya sinunod, hindi niya ako papapasukin sa school, hindi ako makalalabas ng gate. “Iba ang relasyon naming mag-ina, e. Kailangan ko sana yung suporta niya, tanggapin sana niya kung sino ako, hindi yung kino-control niya ang buhay ko,” matitinding pahayag ni Danita sa pagsisimula ng kanyang interbyu sa The Buzz. Inamin ng dalaga na hindi raw siya binibigyan ni Tita Daisy ng kalayaang gawin ang gusto niya. At kung ang ibang magulang daw ay gustong makatapos ng pag-aaral ang kanilang anak, iba raw ang pananaw dun ng kanyang ina. “Sobrang simple lang naman, e. Sinabi ko sa kanya, I'll go to school, tapos, yung pagbabanda ko, sinabi ko rin sa kanya na kay daddy muna ako titira. Hindi siya nakikinig, kailangan, yung gusto niya palagi ang nasusunod, ako hindi. “Masama talaga ang loob niya, kasi hindi ko talaga masunod ang gusto niyang mangyari, which is showbiz, ganun. Siyempre, gusto niya yung best for me, pero sinabi niya sa akin na tama na raw yung high school. Sobrang mali talaga ang sinabi niyang yun, hindi dapat manggaling sa kanya ang ganun. Siyempre, mommy ko siya, tapos, sasabihin niya sa akin yun? Ang hirap tanggapin,” emosyonal na kuwento ng dalaga. Isang rebelasyon ang pinasabog ni Danita tungkol sa kagustuhan daw ni Tita Daisy na magtuloy-tuloy siya sa showbiz. Pero ayon kay Danita ay mismong si Tita Daisy din daw ang sumisira sa sinisimulan niyang career. “Kapag may guesting, may show, may commercial, may movies, dapat tanggapin ko lahat yun. One time, may tinanggihan ako, binugbog niya ako. Kasi, ayoko talaga, pinanindigan kong ayoko! “May incident din na nag-back-out kami sa isang show dahil kay mommy. Dahil minura yata niya ang organizer, dahil lang sa isang dressing room na okey lang naman sa akin. Hindi naman ako nagrereklamo, kasi ako, tanggap ko na bago pa lang ako. “Sabi ko, kung ganito lang din ang mangyayari, huwag na. Kung siya lang din ang sisira sa akin, e, di huwag na lang!” rebelasyon ni Danita. Sinubukan daw niyang kausapin ang kanyang ina tungkol sa problema nila, pero hindi raw siya pinakikinggan nito. Nagpadala rin siya ng mensahe kay Kean Cipriano, bokalista ng Callalily, na nadadamay na sa isyu. “Nag-try na akong kausapin siya. Dinaan ko na sa sulat, sa lahat, hindi talaga nag-work. Pangalawang alis ko na ito kasi, pero wala talagang nangyari. “Actually, walang kinalaman si Kean dito. Kumbaga, hindi siya ang reason kung bakit ako umalis. Nagulat ako kung bakit siya ang sinisisi ni mommy. Hindi ko pa kilala si Kean, ganito na ang samahan namin. “Lumabas ako para rin sa mga taong nadadamay, yung mga taong nabigyan ng subpoena ng NBI na hindi naman dapat. Gusto kong mag-sorry sa kanila at sa family nila. “Nagulat ako nu'ng makita ko siya sa TV. Alam ko na nagwo-worry siya, hindi mo maiaalis sa kanya yun. Kaso, nakakababa ng self esteem. Imbes na kausapin niya ako ng maayos, ang hilig niyang manakot. Ang hilig pa niyang mandamay, ang hilig niyang manisi! “Sabi pa niya, ako yung nagwawala, ako yung nananakot. Pero siya yun, e. Siya yung ganun, hindi ako,” sabi ng dalaga. Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw sila nagkausap ng kanyang mommy. Kung kailan siya haharap dito ay hindi pa rin daw niya alam. “Siyempre, gusto kong kausapin siya. Gusto ko rin siyempre na maging maayos ang lahat. Kaso, parang nakakatakot, e. Baka mamaya, kaladkarin ako pauwi, baka hindi pa rin kami magkaintindihan. “Habang buhay ang utang na loob ko kay mommy, kasi, siya ang nagpalaki sa akin. Si mommy, good provider yan. Kaso nga lang, dinadaan niya ang lahat sa materyal na bagay na kung tutuusin, e, hindi ko naman talaga kailangan. At naging emosyonal uli ang dalaga nu'ng hingan siya ng mensahe para sa kanyang ina. “Sorry, kasi umalis ako. Hindi ko na talaga kaya. Pero, thank you, kasi, pinalaki mo ako. Kaso, umabot lang talaga sa point na pareho na tayong nasasaktan. “Ayoko nang umiyak. Ayoko nang minumura ako. Ayoko nang lagi na lang walang choice. Kasi, sobrang simple lang naman ang gusto kong mangyari sa buhay ko,” pagtatapos ni Danita Paner. Source: Pilipino Star Ngayon |