|
|
| Scholar ni Onemig, namatay sa aksidenteAuthor: Joe Barrameda May mga natagta tanong sa amin kung ano na ang kinahinatnan ng gulong nangyari sa huling Star Awards for Movies. Gusto naming ipaalam sa mga nagtatanong na nagkaroon ng pag-uusap ang pamunuan ng PMPC at ang mga nasasangkot (na itinanggi ang mga pangyayaring ibinibintang sa kanila). Hindi na namin kailangang idetalye ang mga pagsusuring ginawa namin. Dahil na rin sa kawalan ng magpapatunay sa mga ibinibintang sa kanila ay wala kaming katibayan para disiplinahin ang dapat idisiplina. *** Ngayon lang namin nalaman na may mga scholar na inaalagaan si Onemig Bondoc. Common knowledge sa showbiz na may kaya ang pamilya ng aktor kaya hindi na kami nagulat nang nalaman namin na may mga batang pinag-aaral si Onemig. Sa kasalukuyan ay ipinagluluksa ni Onemig ang isa sa mga scholar niya dahil namatay ito sa aksidente kamakailan. Ang pangalan nito ay Kenjie Kenneth James Kanai, 16 y/o, may dugong Filipino at Japanese. Si Kenjie ay nahagip ng isang rumaragasang sasakyan sa may Ateneo sa Katipunan Av. Nanghihinayang si Onemig dahil matalino ang bata at magaling na varsity player. Balita namin ay idinemanda na ang nakasagasa. *** May nakapagsabi sa amin na nalulungkot ang fans ni Heart Evangelista dahil nahulog agad ang loob nito sa bida ng Panday na si Jericho Rosales. Ayon sa nakuha naming impormasyon ay madalas makitang magkasama sina Echo at Heart sa mga restaurant at sinehan. Wala sigurong masama kung sila nang dalawa dahil ang alam namin ay parehong libre ang dalawa. Kung nagkakagustuhan sila ay labas na siguro roon ang mga tagahanga nila. Maganda na rin iyon, tutal ay magkasama sila sa Panday at madalas din silang magkasama sa taping. *** Malaking bagay ang pagpayag ni Chynna Ortaleza na mag-pose nang medyo sexy sa Pump magazine. Simula nang lumabas si Chynna sa cover ng nasabing magazine ay pinag-usapan siya at naging visible muli siya sa mga programa ng GMA kagaya ng Love To Love, Sugo at SOP Gigsters. Hindi naging hadlang ang pagkawala niya sa programang 3R. *** Nakatanggap kami ng text mula sa mga Judy Ann Santos/Piolo Pascual fans all over the US. Proud nilang ibinalita sa amin na ang mga iniidolo pa rin nila ang pinakamaraming palakpak, hiyawan at pagbubunying natanggap sa mga taong dumagsa sa ASAP '05 show ng ABS-CBN International sa Pasadena, California. Ibinalita pa rin nila na nagkita-kita muli ang Juday/Piolo fans sa USA to support their idols sa nasabing programa. Habang nagkakasayahan sa entablado sa Pasadena ay wala raw pakialam sina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo na yupyupan nang yupyupan sa backstage. Ngayon lang yata nagkasama ang dalawa nang walang bantay. Naniniwala kami na gentleman si Joross. Ang alam namin ay ipinagkatiwala sa kanya si Roxanne ng mga magulang nito. Source: Abante Tonite |