Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Siyete, 'dinugo' sa 'Zorro' ni Richard

Author: Nitz Miralles

Nasa Davao si Richard Gutierrez para sa isang GMA-7 event, kaya wala sa unveiling ng poster ng Zorro sa harap ng GMA Network Building nu'ng Linggo.

Very proud ang actor sa bagong show na hindi lang bata ang matutuwa, pang-buong pamilya raw ito.

"Overwhelmed, honored, blessed, and very happy" ang mga ginamit na salita ni Richard sa pagde-describe sa nararamdaman.

Ang malaking project, ayon kay GMA-7 SVP for Entertainment Wilma Galvante, ay madugo dahil two years ang inabot ng negosasyon sa Sony Pictures para ibigay sa Channel 7 ang TV rights.

Ipinagmalaki pa ni Richard na marami siyang "first" sa Zorro, maraming inaral at sa Bagac, Bataan, na sila nakatira para lang mapaganda nang husto ang series.

Mahirap din ang physical training na pinagdaanan, pero enjoy silang lahat.

"Napakalaking project nito, talagang pinaganda ng GMA ito sa tulong ng buong cast at team. Matutuwa ang mga bata, ang daming fight scene, maganda ang location, first in the Philippines ang ganitong show, kaya abangan ninyo sa March 23," pagpo-promote pa ni Richard.

* * *

Ang statement ni Jomari Yllana pa rin ang highlight ng Showbiz Central last Sunday.

Na-interview si Jomari after his guesting sa Cool Center, pero wala nang matinding sinabi.

Nabanggit lang nito na 'pag nagsalita siya, galing sa puso at para tapusin ang isyu sa kanila ni Martin, sabi nito, "I wish for everyone's happiness and fulfillment" at "I will pray for everyone. "

Sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang guests ni Mo Twister sa Gimme Mo at kinilig ang fans sa kanilang mga sagot.

Inamin ng actress na 'di siya masaya 'pag 'di kasama ang actor, na ang sabi naman, "weird and something is missing" 'pag wala ang dalaga sa tabi niya.

Si Pia Guanio ang nag-interview kay Robin Padilla, na nag-promote ng Sundo, na mamaya na ang premiere night sa SM Megamall at bukas naman ang showing.

Kinumpirma ng actor na hinihingi na ang kamay ng anak na si Queenie Padilla ng anak ni Nur Misuari, pero ang anak pa rin niya ang magdedesisyon.

Ang gusto lang niya sa mapapangasawa ng mga anak ay hindi tamad at malalagpasan ang comfort na ibinibigay niya.

Hindi tuloy ang pagtakbong vice president ni Sen. Bong Revilla sa pakiusap na rin ng ama.

Gusto raw ni Sen. Ramon Revilla Sr. , sa Senado muna siya't bata pa siya. Ayan, minus one ang mga tatakbong vice president.

* * *

May mga sugat ang tuhod ni Paolo Ballesteros nang madapa sa isang eksena sa Ang Babaing Hinugot sa Aking Tadyang.

Gay friend siya rito ni Marian, pero hindi raw totoo na package deal silang dalawa't magkasama rin sila sa Dyesebel.

Hindi bothered si Paolo na nata-type cast siya sa gay roles, ang importante'y may trabaho siya, saka ang mga bakla raw, laging may trabaho kesa lalaking role.

Doble ang sipag ni Paolo ngayon dahil kay baby Keira Claire, ang three-month old baby niya.

Samantala sa Ang Babaeng..., naging magkaibigan sina Homer (Dingdong Dantes) at Rado (Paolo Contis) dahil iniligtas ng una ang huli sa bingit ng kamatayan. Makikilala naman ni Selena (Jackielou Blanco) si Homer, ang lalaking minamahal ni Proserfina (Marian), isumbong kaya nito ang dalaga kay Rado?

* * *

Sa All About Eve, lalabanan ni Kenneth (Mark Anthony Fernandez) at Max (Gabby Eigenmann) sa pagtatanggol kay Erika (Sunshine Dizon) na tumama ang ulo sa bato kaya dinala ng binata sa ospital. Unang pagkikita ito nina Erika at Kenneth.

Nasaktan si Nicole nang marinig na pinag-uusapan nina Warren (Alfred Vargas) at Paul (Keempee de Leon) si Erika at kung paano hanga ang una sa dalaga, kaya deadma ito sa panunukso ni Paul sa kanila ni Nicole.

Galing ang mag-amang Nicole at Frederico sa pagbisita kay Donya Concepcion (Celia Rodriguez), pagbalik nila ng bahay, naabutan nila si Erika na nagpo-pose kay Warren...ng hubo't hubad.

* * *

Tuesday movie sa TV5 MAX Movie ang Dawn of the Dead, kung saan babangon ang mga patay para sumalakay sa mga buhay. Bukas, ang The Mexican, ang first team-up nina Brad Pitt at Julia Roberts ang mapapanood.

Pang-Thursday ang The Brooke Ellison Story, ang last directorial job ni Christopher Reeves, isa itong true-to-life drama tungkol sa handicapped girl na gagawin ang lahat para maabot ang mga pangarap. Friday movie ang The Last Mohicans starring Daniel Day-Lewis. Napapanood ang TV5 Max Movies, Monday to Friday, 9pm.

Source: People's Tonight