|
|
| Tinalo na ng Pinoy Big Brother ang primetime shows ng ABS-CBN![]() Author: Reggee Bonoan Isa sana si Bianca King sa host ng reality dance show ng Channel 11, sister company ng GMA 7 na dapat sana’y iho-host ni Charlene Gonzales na hindi natuloy dahil naharang ng ABS-CBN. Makakasama ni Bianca si JayR at nang i-present na ito sa management ay hindi raw na-approved ang dalaga, kaya’t ang mangyayari, si JayR ang regular host at kukuha na lang ng female guest co-host linggu-linggo ang nabanggit na reality dance show. At kung hindi babaguhin ang titulo ng nabanggit na programa ay Ultimate Celebrity Dancer at si Maribeth Bicharra ang magdi-direk at masaya ang bumubuo ng programa dahil aprubado na raw ng management na aabot sila ng season 2. * * * And still on Channel 11, tiyak na matutuwa ang StarStruck Avenger batch 1 and 2 dahil magbubukas din ng youth oriented show para sa kanila, ala Click o TGIS ang concept."Dami kasing artistang bagets ang Siete na hindi naman nagagamit, kawawa naman kaya ilalagay sila sa Channel 11, okey na ‘yun kesa wala silang trabaho. Nagpa-audition na nga, hindi ko lang alam kung sinu-sino ang pumasa," say ng aming source. Bukod dito ay may programa rin tulad ng Pinoy Pop Superstar ni Regine Velasquez na para naman sa bagets na kung hindi rin babaguhin ang plano ay Bulilit Pop Superstar ang titulo. * * * Napa-praning na raw ang mga bossing ng GMA 7 dahil tumataas na ang ratings ng Pinoy Big Brother at sa katunayan ay sila na ang may pinakamataas na ratings sa primetime shows ng ABS-CBN tulad nu’ng Miyerkules, umabot sila ng 29.2% na ang sinundan ay 28.6% ng Kampanerang Kuba ni Anne Curtis at 28.1% naman ang Ikaw Ang Lahat Sa Akin nina Claudine Barretto at Diether Ocampo."Umiikot na ang pwet ng mga bossing namin, kasi gumaganda na ang Pinoy Big Brother, nahahatak na niya pataas ang ratings ng mga programa ng kabila. "Duda kasi sila na pinalalakas lang daw at saka ito itatapat sa Extra Challenge, e, pinaghahandaan na naman ‘yun," kwento sa amin ng taga-GMA 7. Pero may pa-konsuwelo naman sa kumpanya ang isa pang taga-Siete dahil ang sabi naman niya ay, "Oo nga, mataas nga sila sa weekdays, pero ‘yung replay nila sa hatinggabi, natatalo naman sila ng Textube at pag Sabado ng gabi, talo sila ng Master Showman ni Kuya Germs, kaya hindi pa rin mako-consider na ganu’n sila kalakas." At ngayong araw, Sabado ang unang botohan ng 12 housemates kung sino sa dalawang kasamahan nila ang ayaw na nilang makasama sa susunod na linggo at ang dalawang mae-evict ay pagbobotohan din thru text votes kung sino naman ang tsugi na. * * * Hindi pala type ng viewers at kasamahan sa panulat si Mariel Rodriguez, ang isa sa host ng reality show na PBB sa ABS-CBN dahil, ma-emote, paulit-ulit ang sinasabi at nabubulol.Halos lahat ng presscons na pinupuntahan namin ay si Mariel ang topic na ikinaiiritahan ng mga kasamahan sa panulat. "Paulit-ulit ang sinasabi niya, wala ba siyang cue cards? Hindi yata niya alam ang sinasabi niya?" comment naman ng kilalang columnist ng kilalang glossy magazine. "Feeling niya, ka-join siya sa reality show kaya nagi-emote. Gusto yata niyang mag-artista, kaya magpapapansin sa Channel 2," singit naman ng respetadong columnist ng kilalang broadsheet. "Maarte na nga siya, inaartehan pa niya," comment ng entertainment editor ng tabloid. "’Yung term niyang ‘botohin’ saan niya nakuha, dapat ‘iboto’, hindi pa siya kinu-korek ng writer ng show?" say naman ng kilalang mataray na writer ng tabloid. Source: Pilipino Star Ngayon |