Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Valerie Concepcion, sablay kumanta!

Valerie Concepcion, sablay kumanta!

Author: Jojo Gabinete
Column: The Source

MAGANDA si Valerie Concepcion. Mabait si Valerie. Nahahasa na ang talent ni Valerie bilang co-host pero...

Hindi na dapat kumantata si Valerie sa big launch ng TV 5 dahil hindi naman siya singer.

Kasama si Valerie sa cast ng isa sa mga bagong show ng TV 5 kaya binigyan siya ng solo number sa TV 5 launch. Kumanta si Vale­rie at inawit niya ang I Say A Little Prayer.

Sa umpisa pa lang ng kanta, sumablay na kaagad si Valerie kaya kitang-kita ang reaksyon sa mga mukha ng mga bisita.

Kung paano kinanta ni Cameron Diaz ang I Say A Little Prayer sa My Bestfriend's Wedding, halos ganoon din ang timbre ng boses ni Valerie.

Hindi pabor kay Vale­rie ang reaksyon ng entertainment press sa song number niya pero kung suma­yaw siya, na-promote pa niya ang Slendance, ang kanyang instructional Slenda dance DVD.
***

Naka-recover na si Gina Pareño sa big­lang pagpanaw ng kanyang trusted aide na si Thelma kaya masipag na uli siya sa pagpapadala ng mga email sa mga kaibigan niya.

Marunong gumamit ng computer si Gina pero sumasakit daw ang kanyang batok kapag mahaba ang mga isinusulat niya.

Sa latest email na natanggap namin mula sa award-winning actress, hinihingi niya ang suporta ng televie­wers para panoorin ang kanyang guesting mamayang gabi sa Maalaala Mo Kaya.

Isang lola (Elena) na naging tagapag-alaga ng kanyang limang apo ang role ni Gina sa madamdaming epi­sode ng MMK.

Para maitaguyod ang mga apo, namulot ng mga basura si Lola Elena sa Isla Puting Bato ng Navotas at nag-abang ng mga saging sa Pier.

Magaan na katrabaho at mahusay umarte si Gina kaya paboritong guest siya sa MMK. Hindi siya nagbibigay ng prob­lema sa production staff at sa kanyang co-stars.
***

Ayon sa entertainment writer at film critic na si Mario Bautista, tama lang na tawagin si Richard Gutierrez bilang Primetime King dahil nakapagdadala siya ng sari­ling show sa telebisyon.

Top-rater ang mga primetime TV show ni Richard mula Mulawin hanggang sa Codename: Asero.

Tahimik na tao si Richard kaya walang masyadong alam ang publiko tungkol sa kanyang personal na buhay.

Member si Ri­chard ng Greenpeace at supporter siya ng World Vision.

Tatlong bata ang pinag-aaral niya sa pamamagitan ng World Vision.

Suportado ni Ri­chard ang musical inclination ng kanyang bunsong ka­patid na si Ritchie Paul. Siya ang bumibili ng mga musical instrument na kailangan ni Ritchie Paul at siya rin ang financier ng recordings ng kapatid.

Si Richie Paul ang composer ng ilan sa mga background music na gina­gamit sa Codename: Asero.

Pinag-aaral din ni Richard ang anak ng kanyang kapatid na si Rocky at siya ang gumagastos sa pag-aaral ni Diego, ang pamangkin niya na anak ng kanyang half-bro­ther na si Ramon Christopher.

Ipinagmamalaki ni Annabelle Rama ang pagiging mabuting anak, kapatid at tiyo ni Ri­chard.

Kung si Annabelle ang tatanu­ngin, ayaw muna niya na ma-in love ang kanyang anak dahil marami pa itong ginagawa pero botong-boto siya kay KC Concepcion. Si KC ang leading lady ni Richard sa For The First Time ng Star Cinema.
***

Si Katrina Halili ang featured actress sa pilot month ng Obra, ang bagong drama series ng GMA 7. Mapapanood ang Obra tuwing gabi ng Huwebes at magsisimula ito sa August 14, 2008.

Malaki ang pasasalamat ni Katrina sa tiwala na ibi­nigay ng GMA 7 kaya na­ngako siya na pagbubutihin ang kanyang trabaho.

Ki­nunan sa Quiapo area noong July 31 ang unang episode ng Obra. Mula sa taping ng Magdusa Ka, dumiretso si Katrina sa taping ng Obra pero hindi kaagad nakunan ang kanyang mga eksena dahil sa malakas na ulan.

Nagkaroon ng malaking baha na lampas-tuhod ang lalim. Ang award-winning scriptwri­ter na si Jun Lana ang direktor ng unang epi­sode ng Obra at ang pagbaha ang isa sa mga hindi niya mali­limutan na karanasan sa taping ng Obra.

Kinabukasan (August 1, 9 a.m.) nang matapos ang taping at kahapon itinuloy ang panga­lawang araw ng ta­ping ng Obra.

Sina Jun, Joel Lamangan, Maryo J. delos Reyes at Bibeth Orteza ang apat na direktor na namahala sa apat na episode ng Obra na tatampukan ni Katrina.
***

Comments are welcome at jojogabinete@yahoo.com.

Source: Abante