|
|
| Valerie at Jenny parehong kailangan ng silya![]() Author: Cristy Fermin Una naming narinig ang panig ni Valerie Concepcion tungkol sa engkuwentrong naganap sa pagitan nila ni Jenny Miller sa selebrasyon ng anibersaryo ng Belo Medical Group. Pero bago ang pagsasalita nang live ni Valerie sa The Buzz ay meron munang VTR na binuo ang talk show mula sa panayam kay Jenny nung maganap ang insidente. May katalasan ang dila ni Jenny sa kanyang mga pahayag, meron pa siyang sinabing bakit, superstar ba si Valerie para hindi siya paupuin sa tabi nito? Ayon kay Valerie ay walang katotohanan ang sinabi ni Jenny na nung batiin ito ng dalaga ay nang-isnab ito, sa halip, ayon kay Valerie ay nagbeso pa nga sila at ang pagbati sa kanya ni Jenny ay ginantihan naman nito. Maganda ang pagtanggap ni Valerie sa mga patutsada ni Jenny, humingi pa nga ito ng dispensa sa dalaga kung nasaktan man siya, maraming pumuri sa ipinakitang pagpapakumbaba ni Val. Silya lang ang kanilang pinagkadeprensiyahan. Isang silyang dapat sana'y uupuan ni Jenny nung dumating siya pansamantala lang daw naman, pero hindi pinaupuan ni Valerie. Kasi nga raw ay darating si Angel Locsin, nagpareserba raw ng upuan ang dalaga sa kanya, kaya sinabi yun ni Valerie nung akmang uupo na si Jenny Miller. "Hindi ko po siya pinagbawalang maupo, I just said na darating po si Angel. Saka nung batiin niya naman ako, I also said hi, nagbeso pa nga po kami," sabi ni Valerie. * * * Nung Martes nang hapon ay personal kaming dinalaw ni Jenny Miller sa Showbiz Mismo, ninenerbiyos ang dalaga, dahil ang akala siguro niya ay galit kami ni Jobert Sucaldito sa kanya dahil mas nauna naming tinalakay ang panig ni Valerie sa programa nung Lunes nang hapon. Ipinaliwanag ni Jenny na totoong nagbeso sila ni Valerie, pero sa kanyang interpretasyon ay wala na lang choice si Valerie, kaya nagdikit ang kanilang mga mukha at pisngi. Pinanindigan ni Jenny ang kanyang unang pahayag na nung mauupo na "Pansamantala lang naman po ang pag-upo ko, humahanap na ng place para sa akin ang mga taga-Belo, pero I really felt na hindi ako welcome sa table nina Valerie. "Yung lumabas pong VTR sa The Buzz, that was right after the incident, masamang-masama po ang loob ko, kaya kahit sino naman po siguro ang lumagay sa sitwasyon ko, makapagsasalita ng ganun. "Wala naman kasi akong alam na reason para ganunin niya ako, makikiupo lang po muna talaga ako, pero hindi talaga niya ako pinaupo sa table nila," paninindigan pa ni Jenny Miller. Pagkatapos naming marinig ang magkabilang panig ay isa lang ang nasabi namin. Silang dalawa lang ang nakakaalam ng totoong pangyayari, hindi madali para sa amin ang humusga, dahil wala naman kami dun nung magkainitan sila. Hangad na lang namin na sana'y matuldukan na ang hindi nila pagkakaunawaan, parehong mabait sina Valerie at Jenny Miller, kaya nakalulungkot malaman na ang dalawang taong pinupuri ng marami sa kanilang magandang ugali ay mag-aaway ngayon nang dahil lang sa isang silya. "Wala na po sa akin yun, wala na akong sama ng loob, narinig ko naman ang pagso-sorry niya. At kung nakapagsalita man ako ng medyo masakit, I hope naiintindihan din ako ng mga tao kung bakit ko nasabi yun. "Parang ang liit-liit ko naman po kasi that time, parang masyado naman po akong minaliit. Pero wala na po sa akin yun ngayon," pahayag pa ni Jenny Miller na maganda pa rin hanggang ngayon. Sa susunod na kaarawan nina Jenny at Valerie, silya ang ireregalo namin sa kanilang dalawa, joke! Source: The Philippine Star |