|
|
| Valerie, humingi ng tawad kay PokwangAuthor: Vinia Vivar Nakausap namin ang nanay ni Valerie Concepcion, si Mommy Mayet, kahapon at naikuwento niyang naayos na ang gusot sa pagitan nina Val at Pokwang last Tuesday. Matatandaang nang araw na 'yon ay lumabas dito sa People's Tonight ang tungkol sa rift nina Pokwang at Val. Ayon sa column item na isinulat ni Ogie Diaz, may nakarinig daw sa young actress nang mag-react sa paghu-host nina Poky at Chokoleit sa isang segment ng Wowowee. Ang dialogue raw ni Valerie habang nanonood sa monitor, "ay ba't ganu'n, dapat sa segment na 'yan, may puso. " Wala raw kamalay-malay si Val na ang kaswal na opinyon niyang 'yon ay nakarating kay Poky, na ikinasama naman ng loob ng komedyana. Nang mabasa raw ni Val dito sa People's Tonight ang item tungkol sa kanila, doon lang niya nalaman na may tampo si Pokwang. Kaya raw pala cold ito sa kanya nitong mga nakaraang araw. Para kay Val, it was a harmless comment at wala siyang intensyong laitin ang istilo nina Poky at Chokoleit sa pagho-host. In fact, she just blurted it out in a casual manner na parang wala lang, dahil close naman niya ang mga ito, partikular na nga kay Pokwang. That Tuesday din, to clear things out ay nagkaroon ng closed- door meeting ang co-hosts pagkatapos ng show. Ipinaliwanag ni Val ang panig kay Pokwang at nag-sorry din siya sa komedyana. Naintindihan naman daw ni Pokwang ang paliwanag ni Val at napagkasunduang next time, kapag may gustong iparating ang bawat isa, direktang sabihin sa taong concerned dahil nagiging iba nga naman ang dating kung nagpapasalin-salin ang kuwento. * * * Still on Pokwang, isa pang issue ngayon sa comedienne ay 'yung tungkol sa show sa Subic sa March 25 na diumano ay pinakansela nito gayung tumanggap na ng downpayment mula sa producer. Bukod dito, diumano ay nagbigay pa ng announcement si Pokwang sa Wowowee na raket ang nasabing show at ito umano ang labis na ikinasama ng loob ng producer. Diumano, nagde-demand ang producer na bawiin ni Pokwang ang sinabi sa show at mag-issue ng public apology. Nagbanta rin ang produ na ipaba-ban ang album ni Poky sa Olongapo. In behalf of Poky, ang Star Magic na ang naglabas ng official statement bilang pagtatanggol sa kanilang talent. Base sa e-mail na ipinadala ni Rikka Dylim ng Star Magic, nagkaroon ng problema nang malaman nilang Poohkwang ang title ng show. Matatandaang titulo 'yon ng concert nina Pooh at Pokwang sa Music Museum kamakailan. ASAP Live raw ang may rights sa nasabing titulo at hindi puwedeng gamitin ng iba. Dahil wala pa namang napipirmahang kontrata, tinanggihan na nila ang show dahil may problema nga sa title. "Matapos ang ilang linggo, may nagsabi kay Pokwang may show pala siya sa Subic ngayong March 17. Nagtaka ang komedyana kaya tinanong niya sa kanyang handler kung meron nga siyang booking. Nang sabihin sa kanyang wala, minabuti ni Pokwang na i-announce sa Wowowee na wala siyang show sa Subic sa March 17. "Maayos naman na ang usapan ng Star Magic at ng producer tungkol sa misunderstanding kaya nakapagtataka na may mga lumalabas na issue ngayon," bahagi pa ng e-mail ni Rikka. Source: People's Tonight |