Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Valerie, inggit kina Mariel at Pokwang?

Valerie, inggit kina Mariel at Pokwang?

Author: Rey Pumaloy
Column: Oh, Laban Ka?!

Pinagkakaisahan nga ba nina Pokwang at Mariel Rodriguez si Valerie Concepcion? May mga nakapansin kasi na mula nang mawala si Willie Revillame sa Wowowee, umiksi na ang mga eksena ni Valerie, at napunta kina Pokwang at Mariel ang magagandang exposure.

Para kay Valerie, hindi na dapat kuwestyunin kung mas maganda o mas mahaba ang exposure nina Pokwang at Mariel sa show nila, dahil ang dalawa naman daw ang tunay na frontliner ng show.

“Mas nauna sila sa akin sa show. Sila `yung mga senior. Kumbaga, age-wise, ganu'n talaga ang pagkakasunud-sunod. Na una si Pokwang, and then, Ma­riel, at ako,” bungad na depensa ni Valerie.

Pero, may nagsasabi na nakakaramdam siya ng ing­git sa nangyayari sa show nila?

“Wala pong inggit sa akin. Alam ko naman kung saan ako nakalugar.

“Nu'ng absent po si Pokwang dahil wala siyang boses, ibinigay naman sa akin `yung mga portion niya. Ganu'n po ang sitwasyon namin.

“Wala akong nararamdamang inggit sa kanila, dahil talaga namang sila ang mas senior sa akin. Kumbaga, kami ni RR Enriquez, hindi naman kami nawawala, dahil binibigyan din naman kami ng chance to explore our ta­lent sa hosting.

“Like recently nga po, ipi­nareha ako kay Cesar Montano, pati na rin si RR.

So, hindi po talaga ako dapat mainggit sa kanila!” patuloy na depensa pa rin ni Valerie.

Teka, bakit nga ba hindi raw sumali si Valerie sa mga hosts at staffs ng show nila na nagbigay ng sulat kay Willie na nakikiusap na huwag nitong iwan ang show?

“Kasi, ang feeling ko naman hindi niya iiwan ang show. May tiwala ako na hindi talaga niya iiwan ang show. Alam ko na love na love niya ang show,” tugon ni Valerie.

Aminado naman si Va­lerie na miss na miss na niya si Willie. Iba raw kasi ang dating kapag kasama talaga nila si Willie sa show.

Ramdam din daw niya na may malasakit sa kanya si Willie, pati na sa anak niya.

“Every time na nagpapaalam ako sa kanya after the show, sinasabi niya, 'Oh, ingat ka, huwag mong pababayaan ang anak mo'. Kumbaga, para ko talaga siyang kuya.”

Samantala, isinasaisantabi muna ni Valerie ang pag-arte, dahil bawal daw sa kanila ang mag-absent sa Wowowee.

Source: Abante