|
|
| Valerie, 'pinulutan' sa preskon ni Manny![]() Author: Nitz Miralles WALA si Valerie Concepcion sa presscon ng Anak ng Kumander at 'di namin alam kung talagang hindi siya pinapunta dahil ang GMA Films ang nagpatawag sa press bilang tulong kay Manny Pacquiao, na isang Kapuso talent. Maganda na ring wala siya sa presscon, dahil magre-react siya sa mga sinabi nina Direk Kaka Balagtas at ang character actor na kasama sa cast na 'di namin nakuha ang name. Sabi ni Direk Kaka: "Hindi ko niloko si Valerie at pinaganda ko pa nga ang role niya. Kinausap ko siya kung payag sa kissing scene at pumayag siya. Hindi ko kailangang siraan ang artista ko, ang kailangan ko'y kumita ang pelikula. Mali ring sabihing manggagamit si Manny, baka siya ang nanggagamit. Sino ba ang sikat sa kanila? Hindi ang kissing scene nila ang selling point ng movie, inalis ko na lang para wala nang pag-usapan. " Ayon naman kay Manny, pinakisamahan niya nang mabuti ang lahat ng kasama sa movie. Hindi siya galit sa nangyari't at least, nalaman niya ang ugali (nino?) at na-realize na 'di lahat ng ipinakikita sa harap ay maganda't iba na ang sinasabi 'pag nakatalikod. Dumating si Ara Mina sa presscon at pinangunahan ang pagkanta ng birthday song para sa kapareha. Pero, hindi ito napilit na humalik kay Manny, sa pelikula na lang daw 'yun. "Ayaw ko nang maintriga uli. Hindi lang ako bugbog sa intriga, knockout ako. May mga tao talagang naninira. Professional ako at may pinirmahang kontrata, kaya kahit may grabeng intriga, tumutulong ako sa promotion. Ayaw kong mag-suffer ang movie namin," sabi nito. * * * NAKANSELA ang press preview ng Resiklo kagabi due to technical problems, hindi tuloy namin napanood ang ipinagmamalaking pelikula nina Sen. Bong Revilla at Direk Mark Reyes, na trailer pa lang ay pinalakpakan ng press. Sa robot na title-roler kami excited kung paano ito gumalaw at umarte. For the movie industry ang Christmas wish ni Sen. Bong, at ito'y ang 'wag piratahin ang movies sa Metro Manila Film Festival. Sinundan niya ito ng panawagan sa mga pirata. "Maawa kayo sa producers na gustong tumulong sa industry. Maraming mawawalan ng trabaho. Tinatawagan ko rin ang kapulisan sa NCR na umikot din para sabihan ang vendors na 'wag magbenta ng pirated copies ng movies. " On a lighter note, ipinauubaya na ni Sen. Bong ang best actor trophy kay Sen. Jinggoy Estrada. Magaling daw ang kaibigan at sinabihan niyang "nakita na rin kitang umarte" at ang sagot ay mas magaling naman daw siya sa akin. * * * HINDI nagpadala sa pandi-dare namin si Jiro Manio na isama sa premiere night ng Bahay Kubo last Wednesday ang 21-year-old girlfriend para makita ng press. Hindi nito napanood umarte ang actor, na nagpakita ng versatility at 'di nagpatalo kahit kay Maricel Soriano. Rated "GP" o "General Patronage" ng MTRCB ang pelikula't mapapanood ng mga bata. * * * MADRAMA ang episode ng MariMar mamayang gabi sa muling pagkikita ng mag-amang Renato (Richard Gomez) at Sergio (Dingdong Dantes). Marami silang pag-uusapan. Hiling naman ni MariMar na regalo sa birthday niya ay makita ang kapatid. Nakita ni Vanessa Mae (Lani Mercado) si Angelika (Katrina Halili) at nakilalang ito ang anak niya, pero ayaw siyang tanggapin nito. Source: People's Tonight |