|
|
| Vilma at Luis, masarap maglambingan!![]() Author: Dondon Sermino Sabi nga, para malaman mo kung gaano kahusay ang isang ina, tingnan mo ang kanyang anak. Sa kaso ni Vilma Santos, walang duda na masarap siyang maging nanay. Sa presscon nga ng Bear Brand, Laki Sa Gatas campaign, dumating si Luis Manzano, para interbyuhin si Ate Vi. At sa unang minuto pa lang na nagkita ang kanilang mga mata, kitang-kita mo na agad ang pagiging malambing nila sa isa't isa. Panay ang yakap at halik nga ni Luis sa kanyang nanay. Ang sarap-sarap nga raw maglambingan nina Luis at Vilma. Sabi nga, kung hindi mo nga lang kilala si Luis, iisipin mong boyfriend siya ni Governor Vilma, dahil sa lambingan nila. Kunsabagay, noon pa man ay malambing na talaga sina Luis at Vilma sa isa't isa. Remember, hindi lumilipas ang bawat show ni Ate Vi sa TV, na hindi niya binabanggit ang pangalan ni Luis (na Lucky pa noon). Ikinuwento ni Ate Vi na kahit binata na si Luis ngayon, 'alagang-alaga' pa rin daw niya ito. Palagi raw niya itong pinaaalalahanan na uminom ng gatas, para mas maging malakas ang katawan, lalo na ngayon at aktibo na rin si Luis sa showbiz. Bukod sa pulitika, aktibo si Ate Vi sa kampaniya niya na painumin ng gatas ang mga bata. Naalarma nga si Ate Vi sa pakonti nang pakonting bilang ng mga bata na umiinom ng gatas. “Ang target namin ngayon ay `yung mga kabataan, dahil sila ang mabilis sumunod sa mga magulang. Ang ginagawa namin ngayon, ipinapaliwanag namin sa mga magulang ang kahalagahan ng gatas. “Dapat alam ng mga magulang kung gaano kaimportante ang gatas sa mga anak nila. Sabi ko nga, once na pinaniwalaan ng mga magulang ang kahalagahan ng gatas, madali na nilang mapapasunod ang mga anak nila na uminom ng gatas. “Sa ngayon kasi, nakakatakot na talaga na maraming bata na ang hindi umiinom ng gatas. Hindi tulad nu'ng panahon ko, na talagang gatas ang ipinaiinom sa akin ng mama ko,” kuwento ni Ate Vi. Sabi pa rin ni Ate Vi, kahit hindi na siya bata, malaki pa rin ang paniniwala niya sa gatas. “I see to it na umiinom pa rin ako ng gatas ngayon, for my bones naman. Siyempre, 38-year old na ako ngayon, kaya dapat uminom pa rin ako ng gatas. Importante sa akin ang gatas ngayon,” sabi na lang ni Ate Vi. Source: Abante |