Feb 10
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

WENDELL RAMOS, NAAKSIDENTE SA 'KAPUSOLYMPICS'!

WENDELL RAMOS, NAAKSIDENTE SA 'KAPUSOLYMPICS'!

Author: Rey Pumaloy
Column: Oh, Laban Ka?!

NAAKSIDENTE si Wendell Ramos sa larong Tug of War ng “KapusOlympics: Watermania” last Tuesday sa Golden Sunset Beach Resort, Calatagan Batangas.
Nataranta nga ang mga kasama­han niya, dahil naging mabilis ang pangyayari.
Sa larong Tug of War nga ay napalakas ang hila ng mga kalaban nina Wendell, kaya biglang bumigay ang kanyang buto sa balikat, at bumagsak nga siya na una ang kanyang tuhod at siko, na nauwi sa pagkakabali.
Siyempre, hindi nag-aksaya ng panahon ang staff ng Kapuso Network pati na ang mga kasamahan ni Wendell sa Green Team, dahil agad din siyang isinugod sa Orthopedic Hospital.
Wala namang sinisisi sa aksidenteng nangyari kay Wendell. Sabi nga ni Wendell, minalas lang siya nu`ng mga oras na `yon.
At dahil sa nangyari kay Wendell, hindi na itinuloy ang event na `yon, at umayaw na rin ang ibang team na gawin pa ang laro na `yon.
Kung may apektado sa pagkakaaksidente ni Wendell, `yun ang ginagawa niyang serye sa GMA, ang Kim Sam Soon”, na bida si Regine Velasquez.
Dahil sa aksidente ni Wendell, hindi ito puwedeng mag-taping sa nga­yon. Naka-cast kasi ang balikat at braso niya.
Eh, malaki pa naman ang role ni Wendell sa Kim Sam Soon, kaya importante na makapag-ta­ping siya agad.
Eh, hindi naman daw puwedeng hintaying na matanggal muna ang cast sa braso at balikat ni Wendell, bago siya isalang sa trabaho, dahil may sinusunod na araw ang staff.
Sa nangyari kasi kay Wendell, tila matatagalan bago pa matanggal ang cast sa kanyang balikat at braso.
Sa ngayon, nag-iisip ang staff ng Kim Sam Soon na puwedeng pangremedyo.
Puwede nga naman palabasin na naaksidente rin siya sa Kim Sam Soon, o hindi kaya ay bigla na lang siyang nawala.
Well, hindi pa naman final ang mga pahayag na `yan, at patuloy pa ring nag-iisip ang staff ng Kim Sam Soon kung ano ang mas magandang gawin kay Wendell.
Anyway, bukod kay Wendell, minalas din si Bubbles Paraiso, dahil na-sprain naman ang kanyang paa nang matapilok siya.
Siyempre, may benda rin ang kanyang paa ngayon, at pinagpapahinga na muna siya.
Sa Sunday Night Box-Office ay ipalalabas ang “KapusOlympics”.
***
Mahigit sa 50 na artista ng GMA 7 ang lumahok at naglaro sa KapusOlympics. Sina Richard Gomez at Joey Marquez ang mga team managers.
Sina Ariel & Mave­rick, Heart Evangelista, Raymond Gutierrez, Arnell Ignacio, Kat­rina Halili at Iza Calzado naman ang mga hosts ng event.
Si Regine ang nagbukas ng programa, kasama ang top 12 finalists ng Pinoy Idol.
Nag-join din sina Marian Rivera, Dingdong Dantes, Marvin Agustin, Angelika dela Cruz, at Dennis Trillo. Si Alfred Vargas ang naging torchbearer.
Kapansin-pansin naman na hindi du­malo si Robin Padilla sa palaro na ito ng Kapuso. Sabi ni Ms. Darling de Jesus, isa sa mga boss ng GMA, nauunawaan nila ang mga artista nila kung hindi ito nakasali, dahil baka raw may mga prior appointments na natanguan.
***
Sa Sunday na gaganapin ang pagbibigay ng awards sa 23rd anniversary celebration ng The Library, Malate. Bibigyan ng parangal ang mga mahuhusay na talents ng “The Library”.
Siyempre, marami ang umaasam na sila ang magwagi bilang Best Entertainer at Best Group.
Siyempre, gagawin ni Mr. Andrew de Real na bongga ang event na ito, bilang pasasalamat na rin sa mga tao na patuloy na tumatangkilik sa The Library.
Sa Biyernes nga pala ay may show ang Sex Bomb Girls.

Source: Abante