|
|
| "Walang malaswa sa ginawa namin ni Chairman Bayani Fernando!"-Anna Leah Javier![]() Author: Dondon Sermino WALANG nakikitang masama si Anna Leah Javier sa ginawa nila ni MMDA Chairman Bayani Fernando sa party na ginanap kamakailan sa Club Filipino. Para kay Anna, for fun lang ang lahat, at walang malisya. "Nakakagulat lang, kasi kung saan-saan na napupunta `yung isyu. For fun lang `yon lahat. Wala talaga akong nakikitang masama," sabi ni Anna Leah. Nilinaw rin ni Anna Leah na bago siya tumungtong sa entablado, wala na ang misis ni Chairman Bayani. Sabi pa nga niya, hinanap pa niya ang misis ni Chairman Bayani para magpaalam, dahil tinawag nga niya sa stage ang mister nito. "Pero, wala na talaga siya. At saka, katuwaan lang talaga `yon," giit pa rin ni Anna Leah. Sa pahayag pa ni Anna Leah, hindi na bago ang pakikipaglaro nila sa mga lalake sa tuwing nagpi-perform sila. "Kiss lang `yon. Hindi naman umabot sa kung saan `yung kiss na `yon. At saka, para lang maging masaya `yung affair," sabi pa rin ni Anna Leah. Naaawa si Anna Leah sa mga batikos na tinatanggap ngayon ni Chairman Bayani. Para sa kanya kasi, naging gentleman lang ito nang game na game na makipaglaro sa kanya sa stage. "Ang alam ko, gentleman talaga siya. Wala akong naging problema sa kanya. Actually, nahihiya pa nga siya. Pero, alam naman niyang laro lang `yon, at hindi talaga umabot sa kung saan `yung kiss na `yon. "Sana lang, tigilan na nila `yung pagpapalaki ng isyu. Walang nangyaring masama o malaswa sa amin. "Kontrolado naming pareho ang sitwasyon nu`ng nasa stage kami. At masaya talaga ang lahat ng tao sa affair na `yon," pahayag pa rin ni Anna Leah. Sa totoo lang, medyo luma na nga ang eksenang yon na hinahalikan ng lalake ang bahagi ng mukha at katawan ng isang babae habang kumakanta. Marami na kaming napanood na sexy star, na mas matitindi pa ang ginagawa. May dalawang sexy star nga kaming napanood noon na nag-show sa isang bar, na ang drama naman ay hinahawakan nila ang alinmang bahagi ng mukha at katawan ng lalakeng kapareha nila, na ang kapalit naman ay hahawakan din ng kapareha nilang lalake ang bahagi ng katawan at mukha nila na katumbas ng bahagi ng katawan at mukha na hinawakan nila sa lalake. Siguro nga lang, masyado kasing mainit si Chairman Bayani Fernando sa mga mata ng ilang pulitiko, kaya nagigisa ito nang husto ngayon. *** Umiinit ang sagupaan nina Camille Pratts (bilang Joyce) at Ehra Madrigal (bilang Vanessa) sa teleseryeng Kung Mamahalin Mo Lang Ako ng TAPE, Inc., na pinapalabas sa GMA-7. Kung titingnan mo nga, bagay na bagay ang pagmamalditahan nina Camille at Ehra sa isat isa. Lumalabas kasi na masamang babae si Ehra sa teleserye, pero kung aanalisahin mo nang husto, mas doble pa ang kawalanghiyaan ng ugali ni Camille. Sa kuwento ni Camille, ibinase sa karakter ni Maricel Soriano noon sa pelikulang Kaya Kong Abutin Ang Langit at Pinulot Ka Lang Sa Lupa ang karakter niya. "Mataas kasi ang pangarap ko rito, na gagawin ko ang lahat, umasenso lang ako sa buhay. Gumagamit ako ng mga mayayamang lalake para yumaman. At pinalalabas ko na mabait akong babae, para maawa sila sa akin, pero ang totoo, ako ang pinakamasama sa aming lahat," sabi ni Camille. Nagpapasalamat si Camille na ang director niya ay si Gina Alajar. May mga sensitibong eksena kasi, na posibleng hindi niya nagawa, kung iba ang director. "Pero dahil kumportable na ako sa kanya, madali na lang talaga. May mga tinanggihan akong eksena, pero dahil maganda ang explanation niya sa akin, napapayag ako," sabi pa ni Camille. Siyanga pala, kung dati-rati ay hindi kami nagagandahan kay Ehra, dahil mas maganda naman talaga ang kapatid niyang si Michelle Madrigal kesa sa kanya, ngayon ay unti-unti na ngang lumalabas ang ganda nito. "Palagi kasi akong sinasabihan ni Tita Annabelle (Rama, manager ni Ehra) na mag-ayos kapag lumalabas. So, inaalagaan ko talaga ang sarili ko. Actually, sabi nila, lumabas na raw kasi `yung confidence ko, kaya nag-iba na rin ang itsura ko. "Pero, wala po akong pinaretoke sa mukha ko," nakangiting say ni Ehra. Si DJ Mike nga pala ang boyfriend ni Ehra. Si DJ Mike yung lalake na maganda ang katawan na sumasayaw sa isang commercial na para sa lalake. Sabi ni Ehra, nung hindi pa siya artista, madalas na sumasama siya sa mga gigs (miyembro rin ng isang grupo ng singer si DJ Mike), at noon pa lang ay napansin na niya ang lakas ng sex appeal ni DJ Mike sa mga bading at babae. "Ang daming nagti-text sa kanya. `Yung ibang bading, lumalapit talaga sa kanya. Pero, hindi ako nagseselos, kasi malaki ang tiwala ko sa kanya. Natatawa lang ako sa kanila. "Two years na rin ang relasyon namin. Now na medyo busy na rin ako, very supportive siya sa akin. Kapag may taping ako, siya ang sumusundo sa akin. "Siguro, magagalit lang siya sa akin kung magbu-bold ako. Pero sa kissing scene, balewala sa kanya `yon. Like sa Kung Mamahalin Mo Lang Ako, may mature na kissing scene kami ni AJ Eigenmann, at okey lang kay DJ, dahil alam niyang acting lang `yon," say na lang ni Ehra. Source: Abante |