Willie Revillame insists that Manny Villar has no share in his Will Theater Mall Author: Julie Bonifacio Nagtamo ng kalmot sa kanyang braso ang host ng 'Wowowee" na si Willie Revillame habang namimigay ng maagang Pamasko sa mga taga-Cavite sa libreng konsyerto na "Namamasko Po" sa Dasmarinas National High School (DNHS) nu'ng Linggo, October 11. Pinangunahan ni Willie ang "Namamasko Po" concert kasama ang iba pa'ng singers na sina Jessa Zaragosa, Selina Sevilla, Mae Rivera, Alynna, Blakdyak at Andrew E. bilang handog ni Senator Manny Villar sa mga taga-Cavite. Pagkatapos ng concert ay nakausap namin si Willie sa dinner na isinagawa ng staff ng senador sa Volet's Resort at doon inayunan niya ang sinabi ni Senator Villar tungkol sa ipinapatayong Will Theater/ Mall na lalagyan na rin ng twin towers sa gitna na aabutin ng halagang P1.8 bilyon. " Tama naman ang sinabi niya na 'yung construction (company) niya ang magtatayo nu'ng building. Pero sa akin 'yung lupa," lahad ni Willie. Inayunan din ni Willie ang sinabi ni Sen. Villar wala siyang ibinayad na P300 million sa TV host para ikampanya ang Senador sa 2010 election. " Totoo din 'yun," diin ni Willie. Tinanong namin si Willie kung totooo ba na tatakbo siya bilang Mayor ng Quezon City kung saan makakalaban niya ang kapwa niya artista at Vice-Mayor ng Kyusi na si Herbert Bautista. " Hindi totoo 'yun. Bakit ko naman gagawin 'yon? Ang tagal na ni Herbert d'yan. Mahabang taon na ang pinaglingkod niya sa mga taga-Quezon City. At saka hindi ko magagawa 'yun kay Herbert. May utang na loob ako sa taong 'yan. Tinulungan niya ako nu'ng time na down ako. Hindi ko na sasabihin kung ano 'yun pero hindi ko nalilimutan 'yung ginawa ni Herbert sa akin," pahayag ni Willie. Tuloy din ang paglabas ni Willie sa pelikula ng Comedy King Dolphy para sa Metro Manila Films Festival. Wala naman daw problema dahil sa studio lamang siya kukunan sa dalawang araw na pagsho-shoot niya for the movie. Dito naungkat ang isyu noon na nakita diumano silang magkasama ni Dolphy with Richard Gomez na nag-meeting sa Shangri La hotel. True daw na nagkita sila ni Dolphy sa isang hotel pero hindi sa Shangri La kundi sa Manila Peninsula. " Si Tito Dolphy talaga ang kausap ko doon. Tapos si Richard tumawag sa akin sabi ko nandu'n lang ako. Kaya pinuntahan niya ako doon," lahad ni Willie. Nag-seek siya ng advice sa komedyante. Maganda naman daw ang sinabi sa kanya ni Dolphy at 100% susuportahan daw siya ng komedyante whether pasukin niya ang politika o anumang endeavor na gusto niya. Kinumpirma rin ni Willie na pinapa-renovate niya ang bagong bahay na binili niya mula kay Panjee Gonzales na dati nilang tirahan ng ABS-CBN CEO na si Mr. Gabby Lopez. "' Yung sa Tagaytay, tapos ng i-renovate. ' Yung ano na lang sa Ayala Heights. By December tapos na 'yun at saka ako lilipat. Balak ko doon mag-Pasko this year."Ano na ang plano niya sa kasalukuyang bahay na tinirihan niya sa Cortihians Garden? " Baka ibenta ko 'yun," tapos niya. Source: ABS-CBN Interactive |