|
|
| Willie on Pooh: 'Wala siyang utang na loob'Author: Ogie Diaz Kamakalawa, napaangat ang puwet namin sa bangko habang nanonood ng Wowowee. Si Willie Revillame, kausap si Pokwang. "May show kayo ni Pooh, sabihin mo sa kanya, pumunta siya rito. Wala siyang utang na loob 'pag hindi siya nagpunta rito. Dito siya nag-umpisa, kaya dapat, bumalik siya rito. Sabihin mo sa kanya, kayong dalawa, mag-perform kayo. Pasayahin n'yo kamo ang buong mundo!" Medyo napa-'ouch' kami ru'n sa salitang "wala siyang utang na loob. " Alam naming hindi 'yon ang ibig sabihin ni Willie, pero sana, next time, iingatan niya ang mga bibitawang salita. Alam naming marami ring napapasaya si Willie, pero sana, hindi idinidikta ang "pagtanaw ng utang na loob," dahil ang gano'ng imbitasyon ay puwedeng sabihin na lang sa talent coordinator at hindi na kailangang ipagsigawan pa sa buong mundo. * * * Nagpa-survey kami sa aming radio program kahapon sa mga listener kung sino sa palagay nila ang dapat na tanghaling Big Winner sa PBBTE Plus Big Night sa Sabado sa Araneta Coliseum at kung sino ang hindi dapat mapasama sa Big Four. Ang resulta: Sa ayaw mapasama sa Big Four, nag-tie sina Nicole at Beauty. Runaway Big Winner naman si Robi Domingo ng Ateneo. Halos iisa ang dahilan ng mga caller kung bakit si Robi ang kanilang choice. Gusto nila ang ugali nito, nagpakatotoo at isang role model ng mga kabataan. * * * "Nalalandian" naman sila kay Nicole, samantalang kay Beauty, "naaartehan" sila dahil iyak daw nang iyak. Si Alex, parang wala raw ginagawa. Si Ejay naman, laging playing safe at laging ang kahirapan ang bitbit na panangga sa mga kumukuwestiyon para siya'y tanghaling Big Winner. Ganumpaman, kahit si Robi ang aming personal choice (wow, parang may professional choice!), nasa taumbayan pa rin ang pagdedesisyon kung sino ang karapat-dapat na mapasali sa Big Four. Malalaman na ngayong gabi kung sino ang huling magpapaalam. * * * Hindi na kami nag-TH pa na tumawag uli sa teen housemate na si Josef para kunin ang kanyang panig hinggil sa lumabas na video scandal sa YouTube na may almost 12,000 views na. Ibig sabihin, gano'n kainteresado ang marami kay Josef at na-curious silang silipin ang diumano'y pakikipagsungkitan nito ng piraso ng lemon sa bibig ng kanyang kainumang lalaki. Sari-sari ang opinyon ng mga respondent sa kanilang comments sa YouTube. Mas marami ang naniniwalang ito'y Tequila game lang at tunay na lalaki pa rin para sa kanila si Josef. Ang dilim kasi nu'ng kuha ng video sa cellphone, eh, kaya siguro napagkamalang "nakipag-torrid" for two seconds si Josef. Lalo tuloy dumami ang mga baklitang fan ng teen housemate. And speaking of Josef, bilang bahagi ng Grand Council, nagtanong ito sa humarap sa kanilang si Nicole ng, "Na-miss mo ba 'ko?" Tinatanong ng kung anu-ano ng Grand Council si Nicole para ipaglaban nito ang sarili kung bakit siya ang dapat na tanghaling Big Winner. At 'yun ang tanong ni Josef kay Nicole. Kung na-miss siya nito. * * * 'WAG n'yong kalilimutang makinig sa Wow! Ang Showbiiiz! sa dzXL 558khz at maririnig din sa www. rmn. ph, 10:30 a. m. -12 noon. Maraming salamat sa mga kababayan natin sa abroad na nakikinig online. Source: People's Tonight |