Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Willie speaks up about Manny Villar

Author: Julie Bonifacio
Column: Entertainment

MANILA - Nagtamo ng kalmot sa kanyang braso ang host ng "Wowowee" na si Willie Revillame habang namimigay ng maagang pamasko sa mga taga-Cavite sa libreng konsyerto na "Namamasko Po" sa Dasmarinas National High School (DNHS) noong Linggo.

Pinangunahan ni Revillame ang "Namamasko Po" concert kasama ang iba pang singers na sina Jessa Zaragoza, Selina Sevilla, Mae Rivera, Alynna, Blakdyak at Andrew E. bilang handog ni Sen. Manuel Villar sa mga taga-Cavite.

Pagkatapos ng concert ay nakausap namin si Revillame sa dinner na isinagawa ng staff ng senador sa Volet's Resort at doon inayunan niya ang sinabi ni Villar tungkol sa ipinapatayong Wil Theater Mall. Ang mall ay lalagyan na rin ng twin towers sa gitna na aabutin ng halagang P1.8 bilyon.

"Tama naman ang sinabi niya na 'yong construction (company) niya ang magtatayo noong building. Pero sa akin 'yong lupa," lahad ni Revillame.

Inayunan din ni Revillame ang sinabi ni Villar na wala siyang ibinayad na P300 million sa TV host para ikampanya ang senador sa 2010 elections.

Tinanong namin si Revillame kung totooo ba na tatakbo siya bilang mayor ng Quezon City kung saan makakalaban niya ang kapwa niya artista at kasalukuyang vice-mayor ng QC na si Herbert Bautista.

"Hindi totoo 'yon. Bakit ko naman gagawin 'yon? Ang tagal na ni Herbert diyan. Mahabang taon na ang pinaglingkod niya sa mga taga-Quezon City.

"Hindi ko magagawa 'yon kay Herbert. May utang na loob ako sa taong 'yan. Tinulungan niya ako noong time na down ako. Hindi ko na sasabihin kung ano 'yon pero hindi ko nalilimutan 'yong ginawa ni Herbert sa akin," pahayag ni Revillame.

Tuloy din ang paglabas ni Revillame sa pelikula ng Comedy King Dolphy para sa Metro Manila Films Festival. Wala naman daw problema dahil sa studio lamang siya kukunan sa dalawang araw na pagsho-shoot niya for the movie.

Dito naungkat ang isyu noon na nakita diumano silang magkasama ni Dolphy with Richard Gomez na nag-meeting sa Shangri-La Hotel.

True daw na nagkita sila ni Dolphy sa isang hotel pero hindi sa Shangri-La kundi sa Manila Peninsula.

"Si Tito Dolphy talaga ang kausap ko doon. Tapos si Richard tumawag sa akin sabi ko nandu'n lang ako. Kaya pinuntahan niya ako doon," lahad ni Revillame.

Nag-seek siya ng advice sa komedyante. Maganda naman daw ang sinabi sa kanya ni Dolphy at 100% susuportahan daw siya ng komedyante whether pasukin niya ang politika o anumang endeavor na gusto niya.

Kinumpirma rin ni Revillame na pinapa-renovate niya ang bagong bahay na binili niya mula kay Panjee Gonzales na dati nilang tirahan ng ABS-CBN CEO na si Eugenio Lopez III.

"'Yong sa Tagaytay, tapos ng i-renovate. 'Yong ano na lang sa Ayala Heights. By December, tapos na 'yon tsaka ako lilipat. Balak ko doon mag-Pasko this year," sabi niya.

Ano na ang plano niya sa kasalukuyang bahay na tinirihan niya sa Corinthians Garden? Sagot niya: "Baka ibenta ko 'yon."

Source: ABS-CBN News