|
|
| “Kung nakakalipad lang ako para sagipin sina Cristine at mommy ko, at ang ibang kapitbahay namin ay gagawin ko!” -- Ara Mina![]() Author: Ruel Mendoza WALA ngang pinatawad ang Bagyong Ondoy na sumalanta sa Metro Manila at nagdulot ng grabeng pagbaha sa kunsaan-saang lugar. Kahit na nga mga malalaking bahay ng mga artista ay hindi nakaligtas sa matinding baha na sanhi ng dalawang araw na magkasunod na malakas na ulan. Ang bahay nga nina Cristine Reyes sa Provident Village sa Marikina na may second floor ay nalubog sa matinding baha at sa bubong siya namalagi kasama ang kanyang ina, sister-in-law at dalawang pamangkin. Nagpadala nga si Cristine ng mga litrato via MMS sa kanyang mga kaibigan at kakilala sa media para makita ng marami ang matinding situwasyon nila sa Marikina. Tunay ngang wala nang mapuntahan sina Cristine at mga kapitbahay nila dahil puro tubig na ang makikita mo sa paligid ng mga bahay at bubong na lang ng mga bahay ang mamamataan mo. Basang-basa si Cristine pero mas iniintindi niya ang kalagayan ng kanyang ina at dalawang pamangkin. Sa kanyang panayam nga kay Jessica Soho noong Sabado ng gabi, wala pa raw rescue team na dumarating sa kinalalagyan nila. Umakyat na daw sila ng kanilang bubong ng ala-una ng hapon dahil mabilis umakyat ang tubig dahil nag-overflow na nga ang Marikina River kung saan malapit ang subdivision nila. “Wala kaming pagkain at tubig na nadala kasi biglang tumaas ang tubig. Nataranta kaming lahat kasi ang bilis. Akala namin hindi aabutin ang second floor ng bahay pero noong umabot na sa second floor umakyat na kami ng bubong. Wala na kaming mapuntahan kundi doon lang. 'Yung mga gamit namin sa bahay wala na kaming naisalba, pati ang sasakyan ko, hindi ko na makita,” pahayag ni Cristine. Taranta nga ang nakakatandang kapatid ni Cristine na si Ara Mina dahil wala nga siyang magawa para mailigtas ang pamilya niyang nasa gitna ng matinding baha. “Hindi ko alam ang gagawin ko. Kasi maging sa Commonwealth, grabe rin ang baha. Wala nang makadaan. Kung makakalipad lang ako para sagipin sila at ang ibang kapitbahay namin ay gagawin ko. Never nagbabaha sa lugar namin kahit malapit kami sa Riverbanks. First time itong nangyari kaya takut na takot ako. Si Cristine pa naman, takot 'yan sa malalim na tubig. Hindi siya marunong lumangoy. Naawa ako kay mommy at sa dalawang pamagkin ko na ang edad ay 3 at 4 years old.” Humingi rin ng tulong si Jennica Garcia dahil maging ang three-storey house nila ng ina niyang si Jean Garcia sa Vista Real sa Commonwealth Avenue, Quezon City ay inabot ng matinding baha. Iyak nang iyak si Jennica nang manawagan siya sa programang Startalk dahil nasa second floor na sila ng kanilang bahay pero mabilis na tumataas ang tubig. May third floor pa naman daw sila pero wala raw silang malalabasan doon. “Kapag inabot na po ng tubig ang second floor ng bahay namin, wala kaming choice kundi sa bubong na kami aakyat. Kasi sa third floor wala kaming malalabasan doon. May bintana roon pero may grills naman. Mata-trap kami roon. Kaya sa bubong talaga kami aakyat kapag tumaas pa ang tubig. “Natatakot ang kapatid kong si Kotaro. Wala kaming makitang salbabida rito sa bahay. Si mommy naman nagtatawag din pero malo-low bat na raw ang cellphone niya, itong akin lang ang gumagana pa. Nakikita nga namin ang mga kapitbahay namin na nasa bubungan na rin sila at may mga bata. Rubber boats lang ang puwedeng makaligtas sa amin kasi wala na silang madadaanan na kalsada kasi puro tubig na.” Habang sinusulat namin ito ay wala pa kaming nababalitaan kung may mga rescuers na bang nakarating sa lugar nila Jennica. Dasal namin ay nasa mabuting kalagayan na, hindi lang ang pamilya nina Cristine at Jennica, kundi ang lahat ng naging biktima ng matinding bahang ito na sumalanta sa buong Metro Manila. Source: Abante |