|
|
| “Mahirap humanap ng tulad ni Douglas...” -- Richard GomezAuthor: Rey Pumaloy NAIHATID na nga last Saturday sa huling hantungan ang labi ni Tito Douglas Quijano. Bago nga i-cremate ang bangkay ni Tito Dougs ay nagkaroon muna ng misa sa Heritage Park, at nabigyan ng pagkakataon ang mga mahal niya sa buhay na magsalita. Gaya ng inaasahan, bumaha ng luha sa paghahatid kay Tito Dougs sa huling hantungan. Kitang-kita ang pagsikip ng dibdib nina John Estrada, Richard Gomez, Joey Marquez, at marami pang iba, habang nagsasalita. Anyway, nasabi nina Joey at Goma na hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakaisip ng ipapalit kay Tito Dougs bilang manager. “Mahirap humanap ng tulad ni Douglas,” sabi ni Goma. Si Douglas nga raw ang tipo ng tao na hindi selfish, palaging sincere sa mga kaharap, at mahusay mag-isip. Hiling nga nina Goma at Joey na kung sino man ang maipapalit nila bilang manager kay Tito Dougs, sana ay hindi raw sila paghiwa-hiwalayin. Sa kaso ni Jomari Yllana, hindi pa rin mawalawala ang lungkot sa kanya sa tuwing naaalala niya si Tito Dougs. Ang nakapagpapangiti na nga lang sa kanya ay `yung kapag naaalala niya ang mumunting nakakatuwang eksena sa burol ni Tito Dougs. Kuwento ni Jomari, sa burol daw ni Tito Dougs ay umiyak siya nang umiyak sa harap ng kabaong nito. At habang umiiyak daw siya sa harap ng bangkay ni Tito Dougs ay lumapit sa kanya si Gelli de Belen, at hinimas ang kanyang likod. Hindi nagtagal ay si Nadia Montenegro naman daw ang humimas sa kanyang likod. “Lika, usap tayo,” sabi raw ni Gelli sa kanya habang umiiyak pa rin siya sa harap ng kabaong ni Tito Dougs. Sagot daw niya kay Gelli, “Okey lang ako.” Pinabayaan daw siya ni Gelli ng ilang minuto nu'ng mga oras na `yon, at kapagkuwan ay lumapit ito muli sa kanya para sabihin na mag-usap sila. Doon ay tinanong na raw niya si Gelli kung bakit. At ang sagot daw ni Gelli sa kanya, mahaba na raw kasi ang pila ng mga tao na gustong lumapit sa bangkay ni Tito Dougs, at naantala raw `yon dahil sa tagal ni Jomari sa harap ng bangkay ni Tito Dougs. Si Tessie Tomas nga raw ay matagal na ring nakatayo sa likod ni Jomari, at hindi agad makalapit sa bangkay ni Tito Dougs, dahil sa pag-iyak ni Jomari. Doon daw natawa si Jomari. Na dahil sa tagal pala niya sa harap ng bangkay ni Tito Dougs ay maraming bisita ang naantala na makalapit kay Tito Dougs. Nu'ng umalis daw si Jomari sa harap ni Tito Dougs at nakita nito si Tessie, tinanong daw siya ni Tessi kung 'sumagot daw ba sa kanya si Tito Dougs. Anyway, mananatili raw sa puso ni Jomari ang mga alaala nila ni Tito Dougs. Si Tito Dougs daw ay kasunod niya sa pagsa-shopping sa ibang bansa. “Madalas kaming bumili ng mga bagay sa ibang bansa na hindi namin mabibili rito sa Pilipinas. Nagkakasundo kami sa pagsa-shopping. Pareho kami ng trip,” sabi pa ni Jomari. Source: Abante |